LEGAZPI CITY – Nagpaabot na ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol sa mga biktima ng nangyaring sunog sa Barangay Ranao-Ranao, Ligao City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Marites Quismorio, Disaster Response Management Division ng DSWD Bicol, nasa 11 pamilya o 48 na mga indibidwal ang naapektuhan ng sunog habang 11 bahay naman ang totally damaged.

Kasama sa mga ipinamigay ang mga food packs, family kits, hygiene kits, sleeping kits at marami pang iba.

Awtomatiko rin aniyang makatatanggap ng cash asistance ang mga biktima ng sunog sa ilalim ng Aid to Individual In Crisis Situation (AICS).

Maliban rito may isinagawa ring psychosocial intervention ang ahensya dahil sa sigurado umanong na-trauma ang mga biktima dahil sa nangyaring insidente.

Siniguro naman ng opisyal na bukas ang kanilang opisina oras na mangailangan ang mga biktima.

Sa ngayon, nananatili pa rin sa evacuation center ng barangay ang mga nawalan ng tahanan at wala pang kasiguraduhan kung kailan muling makababalik sa kani-kanilang bahay.