LEGAZPI CITY- Muling inulan ng kaliwat-kanang mga protesta ang Department of Health dahil sa hindi pa rin naibibigay na benipisyo ng mga health workers.
Kahapon ng magtipon-tipon ang mga medical frontliners sa harap ng opisina ng DOH upang ipanawagang maibigay na sa kanila ang hazard duty pay; Special Risk Allowance (SRA) at meal, accomodation and transportation (MAT) allowance na nakapalaman sa Bayanihan 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Alliance of Healthcare Workers (AHW) President Robert Mendoza, hindi nito maitago ang pagkadismaya sa ahensya dahil matapos umanong makapagbigay ng SRA sa piling health workers, tila nakalimutan na ang iba pang benipisyo na dapat na maibigay sa kanila.
Hamon ng grupo sa DOH na ilabas ang listahan ng mga nabigyan lalo pa’t nauna ng kinumpirmar ng Department of Budget and Management na nailabas na nila ang pondo na para sa naturang mga benipisyo.
Muli namang nagbanta ang AHW na kung hindi aaksyon ang gobyerno ay magpapatuloy ang nangyayaring mass resignation ng mga health workers na karamihan ay pumupunta sa ibang bansa para sa mas mataas na sweldo.