LEGAZPI CITY- Kinumpirma ng Albay Police Provincial Director na sumuko na si Daraga Mayor Carlwyn Baldo na siyang dala ng kanyang kapatid na si Mayor Caloy ng Camalig Albay sa hepatura ng Camalig Municipal Police Station kaninang alas 12:45 ng madaling araw.
Ayon sa eksklusibong panayam ng Bombo radyo Legazpi kay Pcol. Julius AƱonuevo, ang Provincial Director ng Albay Police Provincial Office, agad na isinilbi ng Criminal Investigation and Detection Group Albay ang warrant of arrest sa nasabing alkalde.
Isinailalim din ito sa proseso kung saan matapos sumuko dinala ito sa ospital para sa medical treatment at nagkaroon din ng mugshot.
Ibabalik aniya ang warrant of arrest nito sa Manila at aantayin nila ang desisyon ng korte kung kinakailangang dalhin ang alkalde sa court of origin.
Sa ngayon ay temporaryong naka detain si Baldo sa Camalig PNP habang inaantay ang magiging desisyon ng korte.
Ipinadala naman ang iba pang personahe ng mobile force company sa Camlig PNP para magbigay ng suporta sa mga otoridad.
Samantala, binigyang diin ng opisyal na walang mangyayaring VIP treatment kay Baldo habang nasa loob ng kulungan at nangakong susundin kung ano ang tamang proseso.
Siniguro naman ng opisyal sa pamilya nito na ligtas ang alkalde sa loob ng presinto.
Kung babalikan, ipinag-utos ng korte noong Agosto 21, 2024 ang pag aresto sa nasabing alkalde dahil sa kaso nitong 2 counts of murder kaugnay ng pagpatay kay dating Rep. Rodel Batocabe at police escort nito na si Orlando Diaz noong taong 2018.