LEGAZPI CITY – Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos na mag-amok sa isang burol sa Barangay Lower Binogsacan, Guinobatan, Albay.

Bigla na lamang umanong bumunot ng caliber .38 revolver si Reycar Rempillo, 33-anyos at itinutok kay Manolito Oyardo.

Agad namang rumesponde ang mga opisyal at tanod ng barangay kaya’t napigilan ang nakaambang sitwasyon.

Hindi pa mabatid sa ngayon ang dahilan ng suspek sa pag-aamok sa burol ng sariling ina.

Samantala sa hiwalay na operasyon, arestado naman si Melvin Medalla, 42-anyos na tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa bayan ng Castilla, Sorsogon.

Hinuli ito ng mga otoridad matapos na makuhanan ng isang caliber .38 revolver na may kargang tatlong bala subalit walang trademark at serial number.

Sasampahan ang dalawang suspek ng kasong paglabag sa “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”.