LEGAZPI CITY – Kasabay ng naging selebrasyon ng ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan may mga panawagan ang grupo ng mga mangagawa sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Wilson Fortaleza ang tagapagsalita ng grupong Partido Manggagawa, panawagan nito sa gobyerno na magpatupad ng batas na magbabawas sa oras ng trabaho ng mga empleyado.
Mula sa kasalukuyang walo hanggang siyam na oras ng trabaho, panawagan ng grupo na gawin na lamang itong anim na oras upang magkaroon ng panahon ang mga manggagawa para sa kanilang mga pamilya.
Panawagan rin ni Fortaleza ang dagdag na pasahod na matagal ng isinusulong ng grupo upang makasabay sa patuloy na tumataas na presyo ng mga bilihin sa bansa.
Ayon kay Fortaleza, hindi maaabot ang totoong kalayaan kung marami pa ring mga Pilipino ang naghihirap sa buhay.
Panahon na umano upang mas bigyang pansin ng gobyerno ang mga problemang araw-araw na kinakaharap ng mga ordinaryong Pilipino.