LEGAZPI CITY – Daan-daang siomai ang nasabat sa inilatag na animal quarantine checkpoint sa Brgy. Matacon, Polangui, Albay.

Napag-alaman na walang naipakitang kaukulang dokumento si Hail Borlagon, nasa legal nang edad at residente ng Sandoval St., Brgy. Pinagbuhatan sa lungsod ng Pasig, sa pagbiyahe ng nasa 400 pirasong siomai.

Wala naman umanong label ang mga naturang siomai.

Sinasabing idi-deliver sana ang mga ito sa isang mall sa Polangui habang mula pa sa lalawigan ng Bulacan.

Kinumpiska na ng Polangui Municipal Police Station ang mga siomai para sa pagrecord subalit itinurn over na rin sa Municipal Agriculture Office ng Polangui para sa pagtatapon.

Pinaigting naman ang pagbabantay sa mga quarantine checkpoints dahil sa banta ng African Swine Fever (ASF).