LEGAZPI CITY- Inihahanda na ang mga gamot at iba pang supplies na ipapamahagi sa mga magsasaka at mga residente na may alagang hayop na apektado ng aktibidad ng bulkang Mayon.
Ito matapos ang pagkabahala ng ilang residente na mapabayaan ang kanilang mga alaga kasunod ng paglikas ng mga naninirahan sa 6km radius permanent danger zone.
Ayon kay Department of Agriculture Bicol Spokesperson Lovella Guarin sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nasa 10,176 hektarya ng taniman ng gulay na nasa maturity age na mula sa 15 mga bayan at lungsod sa lalawigan ng Albay.
Subalit nilinaw ng opisyal na hindi naman lahat ng mga sakahan ay nasa loob ng danger zone.
Maliban dito ay inihahanda na rin ng tanggapan ang evacuation center para sa mga alagang hayop gayundin ang mga truck at iba pang sasakyan para sa transportasyon ng mga ito.
Sa ganitong paraan ay masisiguro umano na hindi malalagay sa panganib ang naturang mga hayop kung sakaling mas lumala pa ang aktibidad ng bulkang Mayon.
Samantala, inaasahan naman na bababa ang farm gate price ng baboy dahil sa epekto ng bulkang Mayon kaya sinisiguro ng tanggapan na hindi naman maaabuso ang mga hog raisers.











