LEGAZPI CITY – Nagpalabas na ng order of execution ang Commission on Elections (Comelec) upang opisyal nang matanggal sa puwesto bilang alkalde ng Legazpi City si Mayo Geraldine Rosal.
Ito ay matapos mabigong makakuha ng temporary restraining order (TRO) mula sa Korte Suprema ang kampo ng alkalde.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, lumipas na kasi ang limang araw na palugit upang makakuha ng TRO ang kampo ni Rosal mula ng unang matanggap ang ibinabang disqualitfication order ng Comelec en banc.
Sinabi nito, nakapaloob sa COMELEC Rules of Procedure na final and executory na ang desisyon o resolutions ng Commission en ban maliban na lamang kung i-restrained o pigilan ng Korte Suprema.
Sa ipinalabas na resolusyon ng Comelec en banc noong Mayo 4, 2023 napatunayan umanong namigay ng pera si Rosal umpang maimpluwensyahan ang mga botante na isang paglabag sa Omnibus Election Code.
Hindi naman umano itinanggi ni Rosal na kasama siya sa mga dumalo sa “2-day Tricycle Driver’s Cash Assistance Payout” na isinagawa noong Marso 31, 2022.
Nakita rin umano sa isang post sa Facebook na may mga inilagay na election paraphernalia habang isinasagawa ang pamimigay ng ayuda.
Sa bisa ng order of execution, ipinag-utos na ng Comelec ang pagbuo ng Special City Board of Canvassers (SCBOC).
Magsisilbing chairperson nito si Atty. Genesis M. Gatdula, vice-chairperson si Atty. John Rex C. Laudiangco, magiging miyembro rin si Dir. Esther Villaflor-Roxas. Sasamahan naman ito ng tatlong support staff.
Inutusan na rin ang Special City Board of Canvassers na mag-convene alas-2 ng hapon sa Mayo 19, 2023 sa Comelec session hall sa Palacio del Gobernador Building sa Intramuros, Maynila.
Dito opisyal na ipapawalang bisa ang proklamasyon ni Rosal bilang alkalde at ipoproklama ang nagpangalawa sa bilangan na si dating Ako Bicol Representative Alfredo Garbin Jr.
Nilinaw naman ni Laudiangco na sa kabila ng ipinalabas na order of execution at inaasahang pag-isyu ng writ of execution sa mga susunod na araw, pwede pa umano na makabalik bilang alkalde si Rosal kung ipag-utos ng Korte Suprema sa pamamagitan ng pagpapalabas ng status quo ante order.
Samantala sa hiwalay na panayam sinabi naman ng asawa ng alkalde na si dating Albay Governor Noel Rosal, umaasa ito na magpalabas ng Temporary Restraining Order ang Supreme Court sa loob ng 10 araw bago opisyal na iproklama ang bagong alkalde ng lungsod na si Garbin.
Kumpiyansa ito na didingin ang kanilang kahilingan lalo pa’t malinaw umano na may nangyaring paglabag sa batas kaugnay sa kinakaharap na diskwalipikasyon.