LEGAZPI CITY- Nakiisa ang Commission on Elections Bicol sa nationwide roadshow ng Automated Counting Machines na gagamitin para sa 2025 National and Local Elections.

Ayon kay Comelec Bicol Director Atty. Jane Valeza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na lahat ng mga bayan at lungsod ay mayroong tig-iisang Automated Counting Machines upang mapag-aralan at maipakita sa publiko kung paano ito gamitin.

Nabatid kasi na kabilang sa mga bagong features ang mas mabilis na reading ng mga balota.

Maliban dito ay maaaring makita ng mga botante ang pangalan ng mga kandidato na kanilang ibinoto at mayroong pagpipilian kung nais i-cast ang balota o hindi.

Tinatayang nasa 150 na mga Automated Counting Machines ang ipinadala sa rehiyon para sa naturang roadshow.

Target kasi ng Comelec na maipresenta ang pagkakaiba ng naturang mga makina sa dating mga Vote Counting Machines na ginamit sa nakalipas na mga halalan.