LEGAZPI CITY- Aminado si Daraga Mayor Carlwyn “Awin” Baldo, na importante ang mga negosyong itinatayo sa kanilang bayan at nirerespeto rin aniya ito.

Ngunit sa kabila nito, sinabi ng opisyal na dapat ay marunong ding magcomply at sumunod sa mga regulasyon at mapanitili ang kalinisan, upang huwag maging sanhi ng anumang problema.

Ito ang nilinaw ng alkalde sa Bombo Radyo Legazpi patungkol sa ipinalabas na Cease and Desist Order na pormal na nagpatigil sa operasyon ng poultry farm na Six in One Corporation (SIOC) na pinaniniwalang pinanggalingan ng sandamakmak na langaw.

Ang nasabing mga desisyon ay ipinalabas matapos ang isinagawang sama-samang pagprotesta ng mga apektadong residente ng barangay Mayon, San Ramon at barangay Villa Hermosa.

Ani Baldo, binase ng LGU Daraga ang Cease and Desist Order sa naging kakulangan sa aksyon ng nasabing korporasyon, kung saan sa limang ‘commitment’ at pangakong pinirmahan ng SIOC ay isa lamang ang nasunod.

Binigyan naman aniya ng pitong araw ang nasabing poultry farm, ngunit hindi nito nagawang mag-comply sa mga hinihinging kondisyon.

Dagdag pa ni Baldo, temporaryo lang naman ang pagpapatigil ng operasyon ngunit hanggang sa hindi ito nagcocomply, ay hindi ipaprayoridad ng LGU Daraga ang muli nitong pagbubukas.

Samantala malaki ang ipinagpapasalamat ng mga residente mula sa mga apektadong banragay ang naging desisyon ng lokal na pamahalaan ng Daraga at Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) na pansamantalang ipatigil ang operasyon ng Six in One Corporation.

Ayon kay Kapitan Rommel Magdaong ng Barangay San Ramon, Daraga, matapos ang pagpapatigil ng operasyon ng nasabing poultry farm ay mabilis na nakita ang pagbawas at pagkonti ng mga langaw.