LEGAZPI CITY- Kontrolado pa ng pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes ang sitwasyon sa gitna ng nararanasang mga pag-ulan.
Subalit ayon kay Catanduanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Operations Section Chief Roberto Monterola sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kinakailangan pa ring maghanda ang mga residente na posibleng maapektuhan.
Isa sa mga pinaghahandaan ng mga lokal na opisyal ay ang posibleng mga pagbaha at pagguho ng lupa.
Ayon sa opisyal na sa kasalukuyan ay may nakahanda pa namang mga family food packs ang lalawigan na maaaring ipadala sa mga lokal na pamahalaan kung kinakailangan.
Dagdag pa ni Monterola na target ng lalawigan na magkaroon ng nasa 5,000 standby family food packs lalo na ngayon na magkakasunod ang mga pag-ulan sa island province.
Ipinangangamba kasi na pinaka maapektuhan ng sama ng panahon ay ang mga abacaleros at mga mangingisda na mahihirapan na makapag hanapbuhay.
Matatandaan na malaking bilang kasi ng populasyon sa lalawigan ay pangingisda at abaca ang pangunahing kabuhayan.