LEGAZPI CITY—Suportado ng gobernador ng lalawigan ng Catanduanes ang imbestigasyon ng gobyerno sa mga maanomalyang flood control projects sa bansa.


Ayon kay Catanduanes Governor Patrick Azanza, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, suportado niya ang imbestigasyon dahil ito ay pondo ng gobyerno na dapat ay para sa mamamayang Pilipino at dahil na rin aniya na buhay ng isang indibidwal ang masasalba ng nasabing proyekto.


Umaasa rin ang opisyal na ang imbestigasyon ay magbubunga ng pagbabago sa sistema upang mapuksa ang korapsyon sa bansa.


Gayundin, upang makapaghatid ng tunay na serbisyo at suporta sa mga mamamayan gamit ang wastong pamamahala ng pondo para sa mga proyektong makakatulong sa komunidad.


Binigyang-diin din ni Azanza na ang mamamayan ang magdurusa kung mapatunayang may ghost flood control project sa imbestigasyon.


Dagdag pa niya, hindi lamang dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang anomalya sa flood control project dahil may iba pang proyekto para sa mga mamamayan na mayroon din aniyang nangyayaring korapsyon.


Samantala, payag din ang opisyal na isumite ang lahat ng impormasyon mula sa kanilang lalawigan sakaling sila ay ipatawag tungkol sa isinasagawang imbestigasyon sa mga flood control projects.