LEGAZPI CITY- Nakatulong umano ang coronavirus pandemic upang makapagpahinga ng ilang buwan ang mga tourism sites sa Pilipinas, ayon sa Department of Tourism (DOT).
Sinabi ni Sorsogon Provincial Tourism head Bobby Gigantone sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na dahil sa krisis, ipinasara muna ang lahat ng tourism sites at walang pinayagang bumisita kaya’t nalimitahan ang polusyon.
Pinakanatulungan umano sa hakbang ang mga butanding na malayang nakakalangoy sa mas magandang kalidad ng tubig sa karagatan na mayaman sa plankton.
Ang plankton ang nagsisilbing pagkain ng mga “gentle giants”.
Dahil dito, dumoble ang butanding average daily sightings mula sa dating anim na ngayon ay nasa 15 hanggang 20 na umano at lumalangoy na mas malapit sa shoreline.
Samantala upang matulungan ang mga nagtatrabaho sa tourism industry kagaya ng tour guide, beauty and wellness personnel, event organizers at iba pa, namigay na rin ng relief assistance ang provincial government.