LEGAZPI CITY- Ipinag-utos na ni Legazpi City Mayor Noel Rosal ang maagang pagsasara ng mga business establishments sa lungsod upang makapaghanda ang lahat sa posibleng epekto ng bagyong Quinta.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa alkalde, hanggang alas-5 ng hapon na lang pinapayagan ang pag-operate ng mga business establishments upang makauwi pa sa kanilang tahanan ang mga empleyado bago ang paghagupit ng naturang sama ng panahon.

Samantala, inilikas na rin ang lahat ng mga residente na nasa low lying areas at landslide prone areas habang 24/7 namang nakabantay ang Legazpi 911 command center upang umagapay sa mga residente sa emergency situations sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Quinta.

Kabilang pa sa binabantayan ang mga lugar na nasa paanan ng bulkang Mayon partikular na ang Bonga gully dahil sa posibilidad na pagdausdos ng naipong debris.

Inaasahan namang magpapalabas ng direktiba ang alkalde sa suspension ng online classes mamayang hating-gabi na nakadepende pa umano sa epekto ng naturang sama ng panahon.