LEGAZPI CITY-Patuloy sa pagbuga ng lava ang Bulkang Mayon simula kahapon Pebrero 13, kung saan naitala rin ang apat na ash emission events.


Ayon kay Phivolcs Mayon Oberservatory Resident Volcanologist Doreen Abelinde, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na bagama’t maliliit lamang ito, posible pa rin na magkaroon ng mas malalaking ash emission, weak to moderate na explosion na posibleng magdulot ng ash cloud o ashfall.


Umaabot sa 50-200 meters height ang range ng naitalang ash emission mula sa crater ng Bulkan na tumagal ng kalahating minuto.


Wala namang naitalang ashfall sa ilang mga karatig na barangay ngunit ayon sa opisyal na malalakas ang degassing nito na may kasamang ashfall na bumabagsak lamang sa slope ng Bulkan.


Patuloy rin na nagkakaroon ng ash clouds na posibleng matangay ng malalakas na hangin at posibleng magdala ng ashfall lalo na sa southwest side ng Mayon kasama ang Guinobatan at Camalig.


Dagdag pa ng opisyal na nakakaapekto rin umano ang heavy rain fall lalo na kung matagal ang duration nito na posibleng magresulta sa hot lahar patungo sa dalisdis ng Mayon at posibleng papunta rin sa mga malalapit na komunidad o river channels.


Samantala, huling naitala ang lava effusion noong Pebrero 13, na umaabot ng 3.8 km sa Basud channel, 1.6 km sa Bonga channel at 1.3 km naman sa Mi-isi channel.


Naitala rin simula Pebrero 10 ang 3, 700 tons per day na Sulfur Dioxide emission at patuloy pa rin ang ground deformation nito.


Nananatili pa rin sa Alert level 3 ang Bulkang Mayon, at pinapaalalahanan ang lahat na mag-doble ingat at magsuot ng face mask tuwing lalabas o kung wala naman ay basang damit pantakip sa mga ilong, dahil sa banta ng ashfall kahit nasa labas ng 6 km danger zone.