Mayon volcano

LEGAZPI CITY- Patuloy na naitatala sa bulkang Mayon ang mga minor strombolian activity sa nakalipas na mga araw batay monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

Ang strombolian activity ay tumutukoy sa mababang antas, panandalian, at hindi gaanong malalakas na pagsabog ng bulkan.

Ayon kay Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nangangahulugan ito na dumadami ang volcanic gas na lumilikha ng maliliit na pagputok sa summit crater at nagdudulot ng pag-itsa ng fragments ng lava.

Ito aniya ang siyang lumilikha ng ash emissions.

Sa kabila nito ay bahagya naman na nagkaroon ng pagbaba sa naitatalang rockfall events subalit patuloy umano ang pag-usad nito sa lower slopes ng bulkan.

Bagamat wala naman umanong dapat ipangamba ay muling nagpaalala si Bornas sa publiko ng pagiging alerto kaugnay ng mga aktibidad ng bulkan.