LEGAZPI CITY- Pinaghahandaan na ng lalawigan ng Albay ang ilang mga plano na kinakailangang maipatupad upang masiguro ang target na zero casualty oras na dumausdos ang lahar mula sa bulkang Mayon.
Ayon kay Albay Public Safety and Emergency Management Office Chief Dr. Cedric Daep sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ito ay bilang paghahanda sa posibleng pagpasok ng malalakas na bagyo oras na mag-cool down na ang El Niño.
Natalakay aniya ng binuong Lahar Management Committee ang pangangailangan sa pagkakaroon ng organisadong dredging operations sa river system gayundin ang pagpapanatili ng tamang size at lalim ng river channel na karaniwang dinadaanan ng lahar kung nagkakaroon ng masamang lagay ng panahon.
Dagdag pa ng opisyal na mahalaga ang pagkakaroon ng technical design upang magkaroon ng barrier na tutulong sa pag-normalize ng pressure ng lahar.
Ayon pa kay Daep na isinasapinal rin ang mapa ng mga ilog sa paligid ng Bulkang Mayon upang makapag rekomenda ng mga proyekto na kinakailangang gawin upang mabawasan ang epekto ng pagdausdos ng lahar sa mga residente na naninirahan sa paligid ng bulkang Mayon