LEGAZPI CITY – Susuko ngayong araw sa Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 138 si alyas Bikoy kasunod ng pagbaba ng korte ng arrest warrant laban dito ukol sa kasong sedition.
Sa kumpirmasyon ni Joseph Advincula, nakababatang kapatid ni Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy” sa Bombo Radyo Legazpi, usaping panseguridad aniya ang kanilang inaalala sa hakbang.
Nakatakda ring maglagak ng P10, 000 piyansa sa korte si Bikoy para sa kinakaharap na kaso, kasama ang legal counsel na si Atty. Larry Gadon subalit tumanggi nang ihayag ang oras ng pagsuko.
Una nang ipinag-utos ng QC court ang pag-aresto kay dating Sen. Antonio Trillanes IV at sampung iba pa kabilang si Advincula, dahil sa Bikoy videos na nag-uugnay kay Pangulong Rodrigo Duterte at pamilya nito sa drug trade.
Samantala, umaasa ang pamilya na madi-dismiss ang kaso sa QC laban kay Bikoy maging ang kinakaharap na cyber libel case sa Legazpi City dahil biktima lamang umano ang kapatid nito sa sitwasyon.
Ipinagpapasalamat naman nito ang patas na pagtutok ng Bombo Radyo sa mga kaso ng kapatid.