LEGAZPI CITY- Hindi na ikinabigla pa ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang biglaan na pagsabog ng Bulkang Bulusan ngayong araw kahit na walang naunang ipinakitang mga aktibidad.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PHIVOLCS Usec. Renato Solidum, ganito na talaga ang ugali ng Bulkang Bulusan na hindi katulad ng Bulkang Mayon na nagpapakita muna ng mga aktibidad bago sumabog.
Subalit ang Bulusan umano ay karaniwan ng biglaan kung sumabog at madalas ay phreatic erruption na dala ng pagkulo ng tubig sa ilalim na nagdulot ng pressure at pagsabog.
Mahigpit na pinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok sa 4km permanent danger zone ng bulkan at sa 2km extended danger zone sa timog silangang bahagi kung saan nakita ang bitak sa slopes nito.
Payo rin ng opisyal sa publiko na mahigpit na magbantay sa sitwasyon ng bulkan at maging handa sa posibleng paglikas sakaling lumala pa ang sitwasyon.