LEGAZPI CITY- Mas dumarami pa ng mga panawagan sa White House na gumawa ng hakbang kasunod ng drone strike sa base militar sa Jordan na ikinamatay ng tatlong sundalong Amerikano.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Marlon Pecson, inakusahan ng ilang mga Republican na umano’y mahina at palpak ang liderato ni Presidente Joe Biden.

Dumipensa naman ang administrasyon na kinakailangan na maghanda at pag-isipan ng mabuti ang mga gagawing hakbang bago gumanti.

Nabatid na ipinatawag na ni Biden ang kanyang national security team at ilang mga opisyal upang mapag-usapan ang ilalatag na mga plano.
Tiniyak umano ng pangulo na magkakaroon ng ganti sa tamang oras at tamang lugar.

Samantala, sinabi naman ni Pecson na maraming mga Amerikano ang naniniwalang kailangan na maimbestigahan ng mabuti kung may kinalaman ang Iran sa nasabing drone attack lalo pa’t makailang ulit na rin nitong sinabi na wala silang kinalaman sa insidente.