LEGAZPI CITY – Aminado ang ilang mga Bicolano athletes na malaking pressure ang kanilang nararamdaman sa papalapit na Palarong Pambansa 2024.
Ayon kay Department of Education Masbate Division Sports Officer Rufino Arellano sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na malaki kasi ang expectation sa ilang mga atleta nito kabilang na sina Jewel Trangia at Ana Bhianca Espenilla na nakapag-uwi ng gold medal sa ASEAN School Games sa Vietnam.
Nakapagtala kasi ng record ang naturang Bicolano athletes sa Discus Throw at Javelin Throw sa ASEAN.
Aminado ang opisyal na malaking factor ang karanasan ng mga ito sa pagsabak sa isang malaking kumpetisyon sa Vietnam bago ang pagsabak sa Palarong Pambansa na gaganapin sa Cebu.
Sa kabila nito ay hindi umano nagpapaka kampante ang naturang mga atleta at tuloy pa rin sa pag-focus sa kanilang training plan.
Samantala, ayon pa kay Arellano na oras na matapos na ang Palarong Pambansa ay agad na sasabak ang kanilang mga atleta sa athletics competition sa Indonesia at susunod naman ang pagsabak sa Davao athletics competition.
Iginiit rin ng opisyal na sa kabila ng abalang schedule ng kanilang mga atleta ay sinisigurong hindi napapabayaan ang pag-aaral ng mga ito.