LEGAZPI CITY- Inaasahan na magdadala ng maraming mga oportunidad para sa Pilipinas ang pagiging bahagi ng bansa sa isang event ng United Nations sa Europa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Hanelie Millamina Lopez, sinabi nito na malaking karangalan na maging kinatawan ng bansa sa pagdalo sa Luxembourg Global Learning Event na pangungunahan ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs.
Kabilang kasi ang Pilipinas sa mga inimbitahan na dumalo sa pilot implementation ng programa kasama ang Colombia, Nigeria, at South Sudan.
Layunin ng aktibidad na magkaroon ng community engagement sa mga nagbibigay ng humanitarian intervention at serbisyo sa mga marginalized at vulnerable sectors.
Si Lopez din kasi ang kasalukuyang Regional Indigenous People Unit focal person ng Department of Social Welfare and Development Bicol.
Iginiit nito ang kahalagahan ng pag-representa sa mga katutubo upang walang maiiwan sa pag-unlad ng isang komunidad.
Positibo naman si Lopez na malaking tulong ang pagdalo niya sa aktibidad upang maibahagi ang mga sitwasyon ng pamumuhay sa Pilipinas lalo pa at maraming mga donors aniya ang dadalo.