LEGAZPI CITY- Posibleng maibaba na ngayong gabi ang mga bangkay ng apat na pasahero ng bumagsak na Cessna 340A plane matapos ang mahigit sa isang linggong retrieval operations.

Kaninang hapon ng makarating na ang mga rescuers na may dala ng isa sa mga bangkay sa Forest Ranger Station (FRS).
Nagpatawag na rin si Camalig Mayor Caloy Baldo na siya ring Operations Commander, ng press conference sa Municipal Hall upang magbigay ng detalye sa nagpapatuloy na operasyon.

Inaasahan na isasakay ang mga bangkay sa chopper upang maibaba na ito papunta sa parking area ng Barangay Anoling o sa Tactical Operations Group 5 sa Legazpi City.

Sakali naman na hindi pa rin magamit ang chopper dahil sa sama ng panahon, posibleng bukas na ito maibaba mula sa itaas ng Bulkang Mayon.

Ayon kay Mayor Baldo, hindi nila minamadali ang operasyon lalo’t kailangan rin na matiyak ang seguridad ng mga mga rescuers.
Matatandaang umaga ng Sabado, Pebrero 18 ng unang maiulat na nawawala ang Cessna 340A plane hanggang sa makumpirmang bumagsak ito malapit sa crater ng Bulkang Mayon.