LEGAZPI CITY – Ipinagpapasalamat ng pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes na walang naiulat na pinsala sa lugar matapos ang pagdaan ng Bagyong Egay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Roberto Monterola, Operations Section Chief ng Catanduanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, base sa isinagawang assessment ng tanggapan at ng Department of Pubic Works and Highways, walang naitalang iniwang pinsala ang naturang bagyo.
Nagkaroon lang ng mga pag-apaw sa ilang spillway at pagbaha na agad namang nag-subside pagkatapos ng pag-ulan.
Ang mga residente namang nakatira malapit sa baybayin, landslide at flashflood prone areas na kinailangang ilikas ay nakabalik na ngayon sa kanya-kanyang bahay.
Ayon kay Monterola, nakapagbigay naman ang pamahalaan ng ayuda sa mga apektadong residente partikular na sa mga mangingisda at abaca farmers na natigil ang kabuhayan dahil sa sama ng panahon.
Samantala, nanawagan na man ang Philippine Ports Authority sa publiko na iwasan na muna ang pagbiyahe papuntang Matnog Port dahil sa kilo-kilometrong pila ng mga pasahero at sasakyan.
Sa hiwalay na panayam kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes, aabot hanggang sa bayan ng Irosin ang pila ng mga sasakyan na naghihintay na makatawid patungong Visayas.
Humaba ang pila ng mga sasakyan dahil sai ilang na suspensyon ng biyahe sa pantalan kaugnay ng nararanasang sama ng panahon dulot ng Bagyong Egay.