Catanduanes Governor Patrick Azanza cannot explain the severity of the suffering caused by Super Typhoon Uwan. According to him in an exclusive interview with Bombo Radyo Legazpi, besides the heavy rain and wind, there was also a storm surge particularly in the coastal areas and some of their tourist attractions were flooded.

LEGAZPI CITY – Hindi maipaliwanag ni Catanduanes Governor Patrick Azanza ang tindi ng sinapit ng kanilang lalawigan sa hagupit ni Super Typhoon Uwan.

Ayon sa kanya sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, bukod sa malakas na ulan at hangin, nagkaroon din ng storm surge partikular sa mga coastal areas at ang ilan sa kanilang mga tourist attraction ay nag-mistulang dagat.

Dahil sa mataas na lebel ng tubig baha, kinailangang iligtas ang ilang residente sa kasagsagan ng pananalasa ni bagyong Uwan habang ang iba pang mga kalsada patungo sa mga barangay ay hindi naman madaanan dahil sa landslide at nagkalat na mga debris.

Sa kabila ng kanilang pagnanais na makamit ang zero casualties sa probinsya, isa ang namatay dahil sa flash flood na naitala sa bayan ng Viga na siyang unang nakaramdam ng lakas ng bagyo habang 7 katao ang sugatan at walang naiulat na nawawala.

Sinabi ng opisyal na patuloy silang nakikipag-ugnayan kay Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian para sa karagdagang food packs dahil ang kanilang naka-preposition na supply ay hindi sapat para sa maraming pamilyang naapektuhan ng kalamidad.

Humingi rin sila ng tulong kina Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang magbigyan ng tulong ang mga Catanduanon na nasiraan ng mga bahay.

Nagpadala rin ng 37 starlink wifi si si Department of Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda na malaking tulong para sa nawalang linya ng komunikasyon matapos matumba ang maraming poste bunsod ng bagyo.

Nanawagan din si Gobernador Azanza ng karagdagang mga food packs, non food kits, mga gamot, flashlight, yero, plywood, at mga pako para sa mga nasalanta ni Super Typhoon Uwan sa kanilang lalawigan.