LEGAZPI CITY – Ibinunyag ng local official mula sa Tiwi, Albay ang bagong modus ng mga kawatan na gumagamit ng face mask upang makapanloko.
Babala ni Tiwi Mayor Jaime Villanueva sa mga nasasakupan sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na huwag magpapasilo sa mga ito.
Ayon sa alkalde, nakatanggap sila ng mga sumbong laban sa ilang indibidwal na namimigay umano ng face mask sa mga residente na sinasabing mula sa LGU.
Subalit may inihahalong kemikal sa face mask kaya’t oras na gamitin ito nang binigyan, mahihimatay ang biktima.
Dito na umano isasagawa ang pagnanakaw ng mga suspek kaya’t mahigpit ang paalala ng pag-iingat sa mga residente.
Agad rin umanong ipagbigay-alam sakaling mamataan ang mga kaduda-dudang indibidwal na gumagawa ng naturang modus upang maaresto at hindi na makapambiktima pa.