LEGAZPI CITY – Pormal nang naiturn-over ang karagdagang health facility sa designated provincial quarantine facility sa lungsod ng Ligao.
Ang nasabing tent facility ang may 15-bed capacity, nurse station, dalawang comfort rooms, shower room, aircon, exhaust fan upang makontrol ang galaw ng virus, dalawang industrial fan para sa temperatura at humidity sa loob.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Randy Asuncion, OIC Chief of Hospital sa Albay Provincial Drug Rehabilitation and Treatment Facility, napapanahon umano ang turn over ng pasilidad lalo na sa tumataas na kaso ng coronavirus disease sa loob ng mga Locally Stranded Individuals (LSI).
Maliban sa 65-bed capacity na rehab center, malaking tulong rin ang nasabing tent facility sa pagtanggap ng mga suspects at probable cases sa COVID-19.
Pagbabahagi pa ni Asuncion na umaabot sa average na 200 hanggang 300 na LSI dumarating sa araw-araw.
Agad naman umanong kinukuha ng Local Government Unit ang mga ito subalit kung kulang at puno na ang quarantine facility sa lungsod o bayan na uuwian, pansamantalang nananatili ang mga ito sa rehab center.