LEGAZPI CITY – Siniguro ng Local Government Unit (LGU) ng Legazpi ang tulong sa pamilyang naiwan ng isang babaeng patay matapos na maanod ng rumaragasang baha mula sa spillway ng Barangay Bonga noong martes sa kasagsagan ng matinding ulan dala ng bagyong Kristine.


Kaninang alas 9 ng umaga ng makarating sa lungsod ng Legazpi ang bangkay ng biktima matapos itong mapadpad sa isla ng Rapu-Rapu sa tulong ng mga mangingisda na nakakita at agad na nagreport sa mga otoridad.

Sa impormasyon na nakalap ng Bombo Radyo Legazpi sa Legazpi City Police Station, napag-alaman na nakatanggap ng tawag ang kanilang himpilan mula sa Rapu-Rapu Municipal Police Station ng matagpuan ng mga mangingisda ang isang bangkay sa Bantun point na sakop ng Barangay Borocburucan, Rapu-Rapu, Albay.


Matapos makarating ang bangkay sa lungsod mula sa isla ay agad naman umano itong isasailalim sa cremation at nakatakdang iburol ng ilang araw.


Matatandaan na 3 araw na nagsagawa ng search, rescue at retrieval operations ang pinagsanib na pwersa ng mga uniformed personnel, City Disaster Risk Reduction and Management Office at LGU Legazpi kung saan tumulong narin ang Legazpi Search and Rescue Dog Organization upang mapadali ang paghahanap sa biktima.