LEGAZPI CITY – Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na walang naitalang pagputok ang bulkang Mayon.

Kasunod ito ng nakitang makakapal na usok sa bunganga ng bulkan at mga naiulat na ashfall sa lungsod ng Tabaco.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PHIVOLCS resident volcanologist Dr. Paul Alanis, dome-collapse pyroclastic density currents (PDCs) o uson ang nakita na tila malaking usok mula sa summit lava dome ng Mayon na namonitor kahapon pasado alas-6:00 ng gabi.

Nasa apat na pyroclastic density currents ang naitala kahapon.

Ito ay dumaloy ng aabot sa apat na minuto pababa sa Basud Gully na may layong 3km hanggang 4km mula sa crater.

Paliwanag ng opisyal na mga rockfall events o pira-pirasong volcanic particles ang nagdudulot ng PDC o uson na mabilis na bumabagsak sa dalisdis ng bulkan.

Aniy, ito ang dahilan kung bakit pinalikas ang lahat ng mga residenteng nakatira sa loob ng 6km permanent danger zone at ipinagbawal din ang lahat ng human activities dito dahil mapanganib sa kalusugun ng tao.

Sa kabila nito, wala pang nakikitang mga parametro ang ahensya upang itaas ang alert level ng bulkan na nananatili sa Alert Level 3.