LEGAZPI CITY-Nagbabala ang Albay Provincial Health Office sa publiko tungkol sa panganib na dulot ng Leptospirosis.
Ayon kay Albay Provincial Health Office Food and Water-borne disease Coordinator Anthony Ludovice, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang sakit ay dulot ng mga carrier galing sa ihi ng daga, baka o aso na kadalasang dumarami sakaling bumabaha, at maaaring makaapekto sa mga indibidwal kung sila lumusong dito at pumasok sa kanilang katawan o mga sugat.
Sa lalawigan ng Bicol, aniya, mayroon din na mga kaalaman ang mga komunidad tungkol sa Leptospirosis kung saan tumutulong ang mga barangay health care workers at mga ospital sa pagpapalaganap ng impormasyon ukol dito.
Gayunpaman, ang ilan sa mga komunidad tulad ng ilang mga magulang at mga anak ay hindi ito sineseryoso.
Dagdag pa ni Ludovice, malaki ang epekto ng leptospirosis sa isang tao at delikado ang exposure dito dahil makakaapekto ito sa kalusugan at may mga sintomas tulad ng pananakit ng katawan, pagsusuka, pagtatae, paninilaw ng mata, at rashes na kung hindi magamot o maagapan ay maaaring magresulta sa pagkamatay ng indibidwal.
Idinagdag ni Ludovice na ang sakit ay walang limitasyon sa edad at maaaring makuha ito sa pamamagitan ng paglubog sa baha, o kahit sa pamamagitan ng paginom ng kontaminadong tubig galing sa mga carrier nito.
Dumarami aniya ang kaso ng Leptospirosis tuwing tag-ulan at ang maaring prevention lamang nito ay ang pagiwas na lumusong sa baha at paglilinis ng kapaligiran upang maiwasan ang pagkalat ng bacteria na dala ng mga carrier nito.
Mayroon ding mga niresetang gamot para sa leptospirosis tulad ng Doxycycline na inihahanda at ibinibigay ng mga health offices.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa mga local government unit lalo na sa pamamahagi ng flyers sa mga barangay para maiwasan ang pagkalat ng sakit sa komunidad at maging maalam an mga indibidwal ukol sa sakit na ito.