LEGAZPI CITY – (Update) Suportado ng Albay Power and Energy Corporation (APEC) ang mga hakbang ni Gov. Noel Rosal sa pagsasaayos ng serbisyo ng kuryente sa lalawigan.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay APEC spokesperson Pat Gutierrez, walang dapat na ipangamba sa suplay ng kuryente sa lalawigan ang mga Albayano.

Sa katunayan, nakakapagsuplay umano ng kuryente sa mga konsumidor sa lalawigan kahit pa hindi nagbabayad ng cash dahil nakakautang sa mother company na San Miguel Electric Corporation (SMEC).

Giit pa ni Gutierrez na hindi nagkukulang at walang pagpapabaya ang tanggapan sa suplay.

Hindi umano sa suplay ang totoong problema subalit sa teknikal na aspeto lalo na sa mga luma nang pasilidad na tinatayang 40 taon nang ginagamit o mula pa sa panahon ng Albay Electric Cooperative (ALECO).

Idagdag pa umano ang malaking demand sa kuryente sa lumalaking populasyon na hindi kayang ikarga ng mga lumang transformers sa partikular na lugar.

Pagsasaayos at paglilinis naman ng linya ang itinuturong dahilan ng mga nararanasang power interruption o “brownout”.

Samantala, dahil hindi naman kasama sa meeting ni Rosal at National Electrification Administration (NEA), hihintayin na lamang umano ng APEC ang detalye mula mismo sa pamahalaang panlalawigan.

Subalit aminadong dumagdag ang utang ng APEC dahil kulang o negative umano ang pumapasok na revenue sa bawat buwan na pinalala ng malawakang problema sa system loss.

Ayon kay Gutierrez, pumapalo na ngayon sa 26.2% kaya’t pinaigting ang mga anti-pilferage operations kontra sa mga responsable.