LEGAZPI CITY – Aabot sa P1 million na halaga ng pera at mga ari-arian ang natangay sa bahay ng isang alkalde sa lalawigan ng Masbate.
Kinilala ang biktima na si Mayor Felipe Cabataña ng bayan ng Cataingan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi mula sa Police Regional Office V, mismong ang alkalde ang nagtungo sa Cataingan Municipal Police Station upang i-report ang nasabing pagnanakaw.
Napag-alamang nawawala ang nasa P300,000 cash ni Cabataña, assorted jewelry na nagkakahalaga ng humigit kumulang P208,100 at P452,000 na cheque na lahat ay nakatago sa isang vault na nasa kanilang master’s bedroom.
Agad namang naglunsad ng hot pursuit operation ang mga awtoridad at nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek na kinilalang sina Anjo Tabuno, 28-anyos; Alisatam Minandang, 27-anyos at 15-anyos na grade 8 student.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng Cataingan MPS ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.