Ramadan

LEGAZPI CITY- Nagpatupad na ng adjustment sa trabaho at operasyon ng ilang mga gusali sa United Arab Emirates kasabay ng pagsisimula ng Ramadan.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Nerissa Aalishan na binawasan na ang oras ng trabaho ng mga manggagawa sa naturang bansa habang ang mga restaurants ay nagsasarado umano bilang pakikiisa sa pagsisimula ng pag-aayuno ng mga Muslim.

Aniya, nagbubukas lamang ang mga restaurants sa oras na malapit na kumain ang mga nag-ayuno.

Maging ang mga Pilipino umano sa UAE at ilang mga lahi na hindi Muslim ay nagkakaroon rin ng pagbabago sa kanilang mga aktibidad bilang pag-respeto sa panahon ng Ramadan.

Paliwanag ni Aalishan na hindi sila maaaring kumain sa mga pampublikong lugar dahil may nakatakda lamang na mga lugar para rito upang hindi maka abala sa mga nagsasagawa ng fasting.

Nabatid na istrikto rin ngayon sa pananamit at hindi dapat ipinapakita ang siko at tuhod.

Samantala, iginiit ni Aalishan na malaking tulong para sa kanila ang mga oportubidad na ibinibigay ng pamahalaan ng United Arab Emirates.