LEGAZPI CITY- Nakikitaan na ng magandang senyales ang bulkang Mayon upang maibaba na ang Alert Status nito na kasalukuyang nasa alert level 3 pa rin.
Ito ay matapos na bumaba ang mga naitatalang mga parametro partikular na ang mini-monitor na Pyroclastic Density Currents o Uson.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Philippine Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Chief of Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division, Mariton Bornas, isang rockfall event at isang low frequency volcanic earthquake lamang ang naitala buong maghapon, kahapon at walang uson.
Bagaman, mataas pa rin ang nasusukat na volcanic gas na indikasyon na mayroon pa ring magma at pressure sa bunganga ng bulkan, ngunit hindi aniya ito sapat upang magresulta sa rockfall.
Dagdag pa ng opisyal, mula pa nitong Nobyembre 26 walang na-dedect na uson at kung sakaling magpatuloy ito ngayon sa buong maghapon at bukas, araw ng linggo, malaki ang tyansang ibaba na sa alert level 2 ang estado ng bulkang Mayon.
Samantala, sa kabila ng pag-asang nakikita, hindi pa rin inaalis PHIVOLCS ang posibilidad nang biglaang pag-aalburuto lalo pa ngayong panahon ng tag-ulan kung saan posible umanong maipon ang tubig-ulan sa bunganga ng bulkan na may presensya ng magma at mag-‘trigger’ o mauwi ito sa steamed driven eruption.
Dahil dito, patuloy pa rin ang paalala ng ahensya na hangga’t hindi po tuluyang bumababa o nawawala ang banta ng bulkan ay huwag munang papasok sa 6 km radius permanent danger zone.