LEGAZPI CITY – Itinaas na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLS) sa alert level 1 ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon.

Ibig sabihin ayon kay PHIVOLCS volcanologist Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasa abnormal na kondisyon na ang naturang bulkan.

Nakapag-detect kasi ng sunod-sunod na inflation o pamamaga malapit sa crater o bunganga nito.

Batay sa latest Bulusan volcano bulletin, nakapagtala ng 124 na volcanic earthquakes ang bulkan mula Mayo 8.

Subalit wala namang indikasyon ng pagtaas ng magma sa ngayon.

Dahilan ng mga naitatalang volcanic quakes ay ang mga kumukulong tubig sa ilalim na tumatama sa mga mainit na bato.

Samantala, nagpatupad rin ng 2km Extended Danger Zone sa bandang southeast sector ng bulkan dahil sa mga posibilidad ng biglaang phreatic eruption.

Kaya’t sktriktong inaabisuhan ang publiko na iwasan ang pagpasok sa 4km permanent danger zone at extended danger zone ng bulkan.