LEGAZPI CITY – (Update) Pinabulaanan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Malilipot, Albay ang mga lumulutang na impormasyon na may kinalaman sa quarry ang nangyaring soil erosion sa Brgy. San Roque.

Ayon kay MDRRMO chief Engr. Alvin Magdaong sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, walang aktibidad ng quarry sa lugar.

Kung may nakita man umanong mga tao sa area, kabilang ang mga ito sa mga gumagawa ng dike na hindi pa natatapos.

Ilang metro pa lamang ang naumpisahan sa nasabing dike subalit hindi na umabot bilang proteksyon sana sa lugar.

Sa pananalasa ng Bagyong Quinta, nagkumpol-kumpol ang mga debris na pinagsamang malalaking bato at kahoy kaya napinsala ang gilid ng gully wall na malapit sa paanan ng Bulkang Mayon.

Sa pagragasa ng tubig, sumiksik pa ang mga ito sa gilid na dahilan ng “shipping effect” at undercut kaya bumigay ang lupa na saturated na sa ulan.