LEGAZPI CITY- Pormal ng nagpalabas ng kautusan ang Albay provincial government na nagbabawal sa pagpasok ng ruminant animals mula sa Marinduque at Pampanga.
Sa ilalim ng Executive Order No. 40 series of 2024, nakasaad na hindi muna papayagan ang pagpasok ng naturang uri ng mga hayop mula sa dalawang lalawigan upang maisawan ang zoonotic Q fever.
Ayon kay Albay Provincial Veterinarian Dr. Pancho Mella sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ang naturang sakit ay isang public health concern lalo pa at maaari itong makahawa sa tao.
Paliwanag ng opisyal na ang Q fever ay posibleng magdulot ng pagkalaglag ng ipinagbubuntis ng mga ruminant animals tulad ng kambing, baka, kalabaw, at tupa.
Kung sakaling mahahawaan naman ng bacteria ang isang tao ay posible umanong makaranas ng mga flu like symptoms.
Sinabi ni Mella na kahit pa nagagamot naman ang naturang sakit ay kinakailangan pa rin na mag-ingat upang hindi malagay sa alanganin ang kalusugan ng mga Albayano gayundin ang kabuhayan ng mga ruminant raisers.
Kahit pa siniguro na ng Department of Agriculture na nakontrol na ang naturang sakit ay hindi pa rin umano nagpapaka kampante ang lalawigan.