LEGAZPI CITY – Bumubuo na ng mga plano ang Pamahalaang Panlalawigan ng Albay para sa kolaborasyon ng mga programa at proyekto sa sister province sa China.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lorena Quising, Admin Aide 1 ng Provincial Government ng Albay, nakapaloob ang naturang sisterhood agreement sa pagitan ng Albay at Guizhou sa Governor’s 5-point development agenda tulad ng turismo, agrikultura at edukasyon at iba pang sektor na may malaking kontribusyon sa lalawigan.
Inaasahang matatapos na ngayong linggo ang mga proposal ng mga concerned agencies para sa naturang mga programa at proyekto.
Ayon kay Quising, oras na mabuo na ang naturang plano ay malaki ang magiging tulong at kontribusyon hindi lamang sa pamahalaang panlalawigan kundi maging sa mga mamamayan.
Nilalayon ng naturang hakbang na mapalakas ang sektor ng turismo at agrikultura na magbubukas ng maraming oportunidad at mapalago ang produksyon ng mga agrikultural na produkto lalo na ng bigas.
Kasama rin dito ang pagpapalitan ng mga estudyanteng iskolar sa pagitan ng dalawang lalawigan upang madagdagan pa ang mga kaalaman.
Inihayag ni Quising na isang ‘urgent’ ang nasabing sisterhood agreement, kaya inaasahang masisimulan agad ang mga ilalatag na mga proyekto at programa ng dalawang lalawigan