LEGAZPI CITY- Patuloy ang panawagan ng ilang mga grupo sa maagap na aksyon ng pamahalaan sa krisis na kinakaharap ng bansa.
Ito ay kaugnay pa rin ng suliranin sa supply ng produktong petrolyo sa Pilipinas dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Trade Union Congress of the Philippines Spokesperson Carlos Miguel Oñate sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na walang silbi ang emergency declaration kung wala namang emergency action mula sa pamahalaan.
Aniya, otomatiko sana an pagkakaroon ng price control kung mayroong state of national emergency, subalit mas pinili ng pamahalaan na energy emergency lamang ang ideklara.
Matatandaan na sa pagdinig ng Senate PROTECT Committee, inilatag nito ang kanilang 5-Point KAPIT Plan upang maibsan umano ang pasanin ng mga apektadong manggagawa.
Inihayag ni Oñate ang kanilang panawagan na kanselahin ang buwis sa petrolyo, gayundin ang kuryente, at pagkain at agapan ang presyo ng langis.
Panawagan rin nito ang pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa, pagbibigay ng minimum wage subsidy na P5,000 at pansamantalang tigil bayad utang o loan moratorium.
Iginiit ng opisyal na napapanahon lamang ang naturang panawagan lalo pa at apektado ng krisis ang lahat.











