
LEGAZPI CITY – Dismayado si Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon sa pag-inspeksyon niya sa nagpapatuloy na konstruksyon ng Legacy Hospital ng Bicol Regional Medical Center na matatagpuan sa lalawigan ng Albay.
Ayon sa Kalihim na malaking delay ang nangyari sa pagpapagawa ng naturang gusali dahil apat pa lamang na palapag ang napapagawa na malayo sa planong 10 palapag mula pa noong simulan ito noong taong 2023.
Pagpapaliwanagin niya ang contractor ng proyekto dahil kung titingnan umano ang kasalukuyang sitwasyon ng gusali ay dapat nasa 50% na itong tapos ngunit nasa 36% pa lamang ito sa ngayon.
Ikinadismaya din ng opisyal na halos pitong buwan ng suspendido ang patrabaho ng gusali dahil sa pagbabagong ginawa ng Department of Health sa design ng proyekto.
Nagbigay na ng kautusan ang kalihim na madaliin na ang konstruksyon upang magamit na ng mga Bikolano ang ospital sa taong 2027.
Nakiusap na rin si Albay Governor Noel Rosal kay Secretary Dizon na unahin ang pagtatayo nito dahil kulang na ang bed capacity ng kasalukuyang ospital dahil sa dami ng mga pasyenteng dinadala dito bawat araw.










