LEGAZPI CITY—Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa posibleng banta ng lahar mula sa bulkang Mayon dahil sa posibleng epekto ng bagyong Ada.
Ayon kay PHIVOLCS Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, dahil sa mayroong tantiya ng mga pag-uulan na maaring dala ng bagyo ay magpapalabas sila ng lahar advisory.
Pinag-iingat nito ang publiko na iwasan ang pagdaan sa mga ilog sa bahagi ng Mi-isi, Binaan, Mabinit, Bonga, Matanag, Buyuan, Padang, Lidong, at Basud dahil sa banta ng hot lahar flow mula sa mga bagong latag na mga abo at iba pang deposito sa silangang bahagi ng bulkan.
Patuloy naman ang paalala ng ahensya na iwasan ang pagpasok sa 6 km radius Permanent Danger Zone ng bulkan dahil sa nagpapatuloy na mga aktibidad nito.
Samantala, wala pang nakikita aniyang rason ang ahensya na magdagdag ng mga ililikas na mga residenteng nasa Extended Danger Zone ng bulkang Mayon.










