LEGAZPI CITY- Naging emosyunal ang asawa ng isang Mayon evacuee sa Tabaco City matapos nitong ilahad ang pinagdaanan ng kaniyang misis.
Ayon kay Lito Borlagdatan sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na Setyembre pa noong nakalipas na taon ay may iniinda ng karamdaman ang kaniyang awasa at ilang ulit na ring na-confine sa pagamutan.
Aniya, matapos maitaas sa alert level 3 ang bulkang Mayon ay pinalikas sila na mga nasa loob ng 6KM radius permanent danger zone kaya nakiusap siya sa mga barangay officials dahil hindi na maaring dalhin sa evacuation center ang bedridden na asawa.
Dahil dito ay dinala umano sila sa pagamutan hanggang sa ma-transfer sa isa pang ospital sa lungsod ng Legazpi.
Kasunod ng patuloy na paglala ng karamdaman ay tuluyan na umanong bumigay ang katawan ng kaniyang 43-anyos na misis.
Kaugnay nito ay nanawagan ng pinansyal na tulong si Ginoong Borlagdatan lalo pa at naulila umano ng kaniyang asawa ang tatlo nilang mga anak at ayaw niya na maisakripisyo ang pag-aaral ng mga ito.
Dagdag pa niya na ilang buwan na rin siyang walang hanapbuhay dahil sa pag-aalaga sa yumaong asawa.











