LEGAZPI CITY- Nakakapagtala na ng pagtaas sa bilang ng mga biyahero sa mga pantalan sa rehiyong Bicol kaugnay ng papalapit na Undas.
Ayon kay Port Management Office Bicol Media Relations Officer Achilles Galindes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mula sa dating 1,500 hanggang 2,000 na daily passengers ay umakyat na ito sa nasa 3,000 pasahero kada araw.
Dahil dito ay naka heightened alert na ang mga security personnel sa bawat pantalan sa rehiyon.
Ito kahit pa na sa Oktubre 30 hanggang Nobyembre 4 pa ang opisyal na Oplan Biyaheng Ayos, Undas 2025.
Inaasahan kasi na sa mga susunod na araw ay papalo pa sa 5,000 ang daily average na mga biyahero lalo na sa Matnog port dahil sa pagnanais ng mga biyahero na makauwi sa kanilang mga probinsya.
Dagdag pa ni Galindes na bukas sila na magbigay ng special permit para sa mga shipping lines na magsusumite ng request sa tulong ng Maritime Industry Authority.
Layunin nito na maibsan ang maraming bilang ng mga pasahero at rolling cargos sa mga pantalan sa peak season.











