LEGAZPI CITY – Isang freshman student ng Bicol University ang nagbahagi ng kanilang karanasan sa kasagsagan ng BU Hataw kung saan nahirapan silang huminga at masuffocate dahil sa paggamit ng umano’y smoke bomb.
Ayon kay Justine Kate Daen sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi nila inaasahan na magiging seryosong insidente ang unang taon nila sa nasabing aktibidad lalo pa’t may hika ito at dati nang nagkaroon ng pneumonia.
Binigyang-diin din niya na dapat alam ng mga organizers na ang smoke bomb ay nakakaapekto sa kalusugan ng sinumang ma-eexpose at maaari ring namang gumamit ng confetti bilang alternatibong props.
Ipinunto niya na maaaring akala ng mga organizer ay makakatipid ng pera ang mga estudyante sa pamamagitan ng paggamit ng smoke bombs ngunit paano sila makakatipid kung ang kanilang kalusugan ay malalagay sa panganib.
Sinabi ni Daen na hindi dapat ipasa ang sisi sa mga mag-aaral na maagang nagbukas ng mga smoke bomb dahil makakaapekto pa rin ito sa kanilang paghinga kahit buksan ito sa tamang oras.
Nagpasalamat din siya na agad siyang nakaalis sa venue dahil hindi nila nakayanan ang usok ngunit nakita rin niyang hindi na nakalabas ang iba pa at nawalan na ng malay sa kalagitnaan ng aktibidad.
Nilinaw din niya na naabisuhan silang mabuti hinggil sa wastong paggamit ng mga pampa-usok habang naging makapal ang usok na nakita sa bahagi ng performance dahil bawat block ay ni-required umanong magdala ng tigli-limang piraso ng smoke bomb.
Nagdulot din ng takot at pangamba ang insidente hindi lamang sa kanyang mga kapwa mag-aaral kundi maging sa mga magulang ng mga first year at second year na lumahok sa taunang aktibidad kaya naman, humihingi ng pananagutan ang mga BUeño sa mga organizers dahil naniniwala siyang hindi sapat ang paghingi ng tawad bagkus ito ay isang uri ng kapabayaan sa kanilang kalusugan at kaligtasan.