LEGAZPI CITY—Patay ang 66-anyos na magsasaka matapos atakihin ng mga bubuyog sa Barangay Calbayog, Malilipot, Albay.
Ayon kay Malilipot Municipal Police Station Chief of Police Captain Alex Alcantara, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinilala ang biktima na isang 66-anyos, lalaki, may asawa, magsasaka, at residente ng nasabing lugar.
Batay sa salaysay ng saksi, narinig niyang humihingi ng saklolo ang biktima dahil inaatake ito ng mga bubuyog habang tumatakbo.
Aniya, tutulong sana ang saksi ngunit sa takot na atakihin din siya ng mga bubuyog ay agad itong tumakbo palayo sa insidente.
Ngunit pagbalik niya sa pinangyarihan ay nakita niyang wala nang malay ang biktima.
Naisugod pa sa ospital ang biktima ngunit hindi na ito nailigtas pa.
Dagdag pa ni Alcantara, karamihan sa mga kagat ng biktima ay sa parte ng kanyang mukha at leeg.
Sinubukan pa aniya ng biktima na tumakas sa pinangyarihan ngunit hindi nito nagawa dahil sa maraming bubuyog na ang umaatake sa kanya.
Batay sa medical record ng attending physician, namatay ang biktima dahil sa anaphylaxis kung saan nagkaroon ito ng matinding allergic reaction dahil sa kagat ng bubuyog.
Samantala, pinaalalahanan din ng opisyal ang mga residenteng nakatira malapit sa lugar na huwag lumapit sa mga bahay-pukyutan upang maiwasan ang mga ganitong insidente.