LEGAZPI CITY—Inihayag ng grupong Bantay Bigas na ang mga depektibong flood control projects ng gobyerno ang isa sa mga dahilan na nagpapalala ng pinsala sa sektor ng agrikultura lalo na kapag may mga kalamidad sa bansa.

Ayon kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, palaging nabibiktima ang mga magsasaka dahil sa nasabing maanomalyang flood control projects at kapalpakan umano ng gobyerno sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon sa kanya, nagreresulta ito sa pagbaba ng ani ng mga magsasaka at pagkalugi ng nasabing sektor.

Gayundin na kung sakaling masira ang kanilang mga pananim at walang maani—nababaon sa utang ang mga magsasaka at bumababa ang presyo ng kanilang mga produkto.

Punto pa ng opisyal na bukod sa flood control projects, dapat din aniyang tingnan ng gobyerno ang siltation ng mga dams—ito ay kung saan na kapag may mga pag-uulan ay agad na nagpapakawala ng tubig at nasasakripisyo ang mga pananim ng mga magsasaka.

Binigyang-diin ng opisyal na dapat ayusin ang mga ‘tapal-tapal’ na irrigation canals na mabilis masira sa kasagsagan ng malakas na pag-uulan at pagbabaha.

Samantala, apela ni Estavillo na kung seryoso ang gobyerno sa pag-iimbestiga, dapat isama rin aniya ang komunidad sa imbestigasyon at pagsisiyasat sa lahat ng proyekto ng DPWH hinggil sa flood control projects.