LEGAZPI CITY-Nagbabala ang Legazpi City Public Safety Office sa mga violator na driver na gumagamit ng pangalan ng mga kongresista o pulitiko upang takasan ang mga paglabag sa trapiko.
Ito ay kasunod ng insidente kung saan isang sasakyan ang hinarang ng mga tauhan ng PSO ngunit aniya ay anak ito ng isang kongresista sa Legazpi City at tumakas sa mga awtoridad habang hinihingan ng lisensya.
Ayon kay Legazpi City Public Safety Office Head Octavio Rivero, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mahigpit ang mga batas trapiko at ordinansa sa lungsod dahil sa mandato ni Mayor Pido na linisin ang buong Legazpi at ang mga driver na papasok sa lugar.
Natunton na rin ang suspek na kinilalang si Nelson Sy, na residente aniya sa Maynila.
Hindi pa kumpirmado ang pagkakakilanlan nito kung totoong anak ito ng isang kongresista sa Albay.
Dagdag pa ni Octavio, baguhan pa lamang ang kanilang mga tauhan, ngunit sinabihan silang magdala ng notebook at ilista ang mga sinasabi ng mga suwail na driver bilang ebidensiya kung sakaling magkaroon ng kaso o kunan ng video ang mga pangyayari.
Sinabi rin ng opisyal sa mga driver na pumapasok sa lungsod na hindi sila nagpaparaya at kahit anak sila ng mga pulitiko ay hindi sila matatakot at susuko dahil sa batas na ipinatutupad ay walang diskriminasyon.
Binalaan din niya ang mga bagong tauhan ng PSO na kung sakaling makatagpo sila ng ganitong sitwasyon, tawagan siya, at huwag makipagtalo sa paghingi ng lisensya para maiwasan ang pagtatalo.