LEGAZPI CITY—Dalawang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang kusang sumuko sa mga awtoridad sa bayan ng Esperanza, Masbate.
Ayon kay Esperanza Municipal Police Station, Chief of Police, Police Major Mark Jason Garcia, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinilala ang mga sumukong indibidwal na sina alyas “Jerome,” 36-anyos, lalaki, construction worker; habang si alyas “Dante,” 53-anyos, isang laborer; at kapwa residente ng Barangay Baras sa nasabing bayan.
Ayon kay Garcia, ang nasabing mga indibidwal ay parehong nasa ilalim ng command ni Rogelio Suson alyas “Ka Manong”.
Kabilang din sa kanilang mga sumuko ay isang .38 caliber revolver na walang serial number at may kasamang mga bala.
Nagdesisyon umano silang sumuko sa mga awtoridad dahil sa mga proyekto ng gobyerno na may kaugnayan sa mga kusang sumusuko na mga miyembro ng teroristang grupo.
Dagdag pa ni Garcia na maraming proyekto ang kapulisan upang makipag-ugnayan sa mga mamamayang naliligaw ng kanilang landas.
Samantala, patuloy na umaapela ang kanilang tanggapan sa mga miyembro ng armadong grupo o teroristang organisasyon na magbalik-loob na sa gobyerno dahil mayroon itong mga programang makakatulong sa kanilang pagbabagong-buhay gayundin sa kanilang mga pamilya.