LEGAZPI CITY—Naaresto na ng mga awtoridad ang isa sa itinuturing na Bicol Most Wanted Person at hinihinalang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa lalawigan ng Batangas.
Ayon kay Police Regional Office 5 Regional Director Police Brigadier General Andre Dizon, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinilala ang suspek na si alyas “Dan,” kung saan napatay nito ang isang babae sa Juban, Sorsogon.
Sinabi ni Dizon na nag-iinuman ang suspek at mga kasama nito sa bahay ng biktima kung saan binaril nito ang babae hanggang sa mamatay ito.
Naaresto ang suspek sa joint operation ng 2nd Provincial Mobile Force Company, Provincial Intelligence Unit, Juban Municipal Police Station, Batangas 1st Provincial Mobile Force Company, at 96th Military Intelligence Company.
Samantala, mahaharap ang suspek sa kasong Murder na isinampa noong 2023 at Attempted Murder na isinampa noong 2020.