LEGAZPI CITY – Target ngayong araw na matapos ang isinasagawang buwis-buhay na search and rescue operations sa bumagsak na Cessna plane sa Albay.
Sa eksklusibong panayan ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) Head Dr. Cedric Daep, nagdesisyon ang tanggapan na magtake-risk o makipagsapalaran na dahil naghahabol na baka may buhay pa sa apat na pasahero ng naturang aircraft.
Ito ay kahit wala pang nakukuhang clearance mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) para sa pagpasok sa 6 km Permanent Danger Zone ng bulkang Mayon.
Ayon kay Daep, hindi uuwi ang rescue teams hanggang hindi ‘mission accomplished.’
Nagtayo na lang ang mga ito ng camp base na nasa 3,500 hanggang 4,500 feet above sea level na paakyat ng bulkang Mayon.
Sinabi pa ni Daep na posibleng marating na ngayong araw ang lokasyon ng pinagbagsakan ng naturang eroplano basta makiayon ang panahon.
Samantala sa hiwalay na panayam kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio, planong gumamit na ang rescue teams ng all-terrain vehicle (ATV) upang mabilis na marating ang naturang lokasyon.
Kung sakaling bumuti ang lagay ng panahon, gagamit din chopper para maisakay ang mga rescuers at maibaba malapit sa crash site.
Nakumpirma na rin kahapon ng Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board (AAIIB) ng CAAP sa muling pagsasagawa ng aerial search, gamit ang high-resolution camera na ang nakitang wreckage sa kanlurang bahagi ng dalisdis ng Bulkang Mayon ay ang nawalang Cessna plane mula sa Bicol International Airport noong Pebrero 18, base sa tail number na RP-C2080.